History of Rosario Batangas
Sulyap sa Kasaysayan
Ni Ka Rading Reyes
Ang bayang ito ng Rosario ay nagmula sa pamayanan ng mga unang Kristiano sa dalampasigan ng timog-silangang Batangas. Itinatag ito ng mga paring Agustino noong 1687. Si Don Nicolas Morales ang unang gobernadorcillo rito.
Ang pamayanang ito ay pininsala ng mga piratang Moro. Lumikas ang mga mamamayan nito patungong hilaga nang dinarasal ang rosaryo. Sa Hilerang Kawayan, malapit sa Ilog ng Kansayahan, muling itinatag ang pamayanan at tinawag na Rosario.
Inilayo pa ang bayang ito ng mga paring Dominiko, doon sa tabi ng Tubig ng Bayan. Dito nanatili ang Rosario ng mahabang panahon, hanggang 1902.
Ang paglilipat-lipat mula sa dalampasigan - ngayon ay Lobo, patungong Hilerang Kawayan - ngayo'y Pinagbayanan, sakop ng Taysan, hanggang sa Tubig ng Bayan ng Padre Garcia - dati'y Lumang Bayan; ay naganap sa kasukdulan ng Digmaang Kastila at Moro sa maagang dekada ng 1700.
Sa huling panahon ng pananakop ng Kastila, sa ilalim ng mga paring Recollecto, ang Rosario ang sentro ng kabihasnan sa dakong ito ng Batangas. Sa lupaing Rosario nagmula ang mga bayan ng San Juan, Taysan at Lobo.
Sa bayan ding ito sumuko si Hen. Malvar kay Hen. Bell ng Hukbong Amerikano noong ika-16 Abril, 1902. Ang Pamahalaang Bayan ng Rosario ay inilipat dito sa Tumbol noong ika-9 ng Hunyo, 1902. Si Don Antonino Luansing ang isa sa mga nagkaloob ng lupa para sa mga gusaling pambayan.
Noong 1949, ang Lumang Bayan kasama ng 7 barrio ay humiwalay sa Rosario upang maging Bayan ng Padre Garcia.
Ang Rosario ay tinatawag na Kamalig ng Palay ng Batangas.
(Sinulat sa paggunita ng ika-310 taon ng Rosario - Hunyo 9, 1997)
Source: Reyes, Rading. Souvenir Program, Feastday Celebration of Our Lady of the Most Holy Rosary, 22 April 2004, Rosario, Batangas